December 18, 2009
Lantaran ni Dante V. Liban
Kung tatanungin natin ang mamamayan, lalo na ang mga botante, anong partido pulitikal ang kanilang susuportahan o tatangkilikin sa Halalan 2010, karamihan ay hindi maitago ang malaking dismaya at kawalan ng gana. Sa tingin ngayon ng taumbayan, walang kaibhan ang Liberal Party nina Noynoy Aquino sa Nacionalista Party nina Manny Villar at Loren Legarda.. Ganoon din ang Nationalist Peoples Coalition sa Lakas-Kampi CMD at Puwersa ng Masang Pilipino ni dating Pangulong Erap Estrada.
Sa totoo lang, ang mga nabanggit na partido pulitikal, sa pananaw ng dumaraming mapagsuring mamamayan ay nataguriang mga partidong tradisyunal at lantaran makatrapo. Kung noon malaki ang diperensya at kaibhan ng isang lapian kumpara sa ibang partido pagdating sa plataporma del gobyerno, idilohiya at pamamaraan, ngayon ang nangingibabaw na kaibhan o pagkakaiba ay kulay ng watawat ng partido, pangalan ng mga kandidato, tugtugin pulitikal at unipormeng gamit sa kampanya.
Imbes na isyu, prinsipyo at liderato ang primerong punto sa pagpili at pagtanghal ng kandidato sa panguluhan, ang dami ng pera at salapi ang numero unong konsiderasyon. Hindi makalimutan ng taumbayan ang binitiwan salita ng isang kandidato sa pagkapangulo na upang sumulong ang kandidatura sa panguluhan, kinakailangan daw mayroon mahigit na bilyong piso ang kandidato. Kung wala raw ganoon napakalaking pundo, mas mabuti na lang huwag tumakbo!
Aminado ang ilan kilalang pulitiko na dulot ng kawalan ng sapat na kuwartang pangkampanya, ipinagpaliban ang kani-kanilang balakin na tumakbo sa pagkapresidente katulad ni Vice President Noli de Castro at dating Public Works Secretary Hermogenes Ebdane. Marami ang hindi makapaniwala na isinantabi na ni Vice Pres. Noli “Kabayan” De Castro ang pagtakbo sa pagkapangulo at mukhang magpapahinga na siya sa larangan ng pulitika. Lantaran sinabi niya na wala siyang sapat na salapi para sa isang makabuluhang kampanya.
Bagaman mataas ang bahagdan ng pagtanggap sa kaniya ng taumbayan alinsunod sa mga political survey, hindi rin ipinagpatuloy ni Senador Chiz Escudero ang hangarin sa panguluhan sa pangambang didiktahan lamang siya ng kaniyang partidong inaaniban at ng mga higanteng puwersa, trapong pulitiko at dambuhalang negosyante. Pangarap ni Chiz na maging marangal at makatotohanang ang paghalal sa atin pangulo, isang tunay na pinuno ng taumbayan, hindi lang ng iilan.
Kung susuriin natin ang mga makabagong partido pulitikal, ayon sa marami natin tagamasid, nangunguna ang Ang Kapatiran Party (AKP) na pinangungunahan ni JC De Los Reyes bilang kandidato opisyal sa pagkapangulo. Kasalukuyang konsehal ng Lungsod ng Olongapo, si JC De Los Reyes ay kinumbinse ng Kapatiran Party na tumakbo sa panguluhan kumpara sa ibang kandidato ng ilan partido na sila mismo ang nagpresinta o sadyang malaki ang pagnanais at pagnanasa na maging lider ng bansa. Imahen ng kahusayan, kadalisayan at kagandahang loob ng kabataan, siya ang pinakabatang kandidato sa panguluhan ng Halalan 2010.
Kumpara sa tradisyunal na partido, ang Kapatiran Party ay mayroon kaaya-ayang platporma del gobierno at prinsipyo. Maliwanag ang kanilang adhikain tungkol sa buhay at pamumuhay at walang pasintabi ito sa lantaran pagsugpo ng malawakang korapsyon sa pamahalaan at pribadong sektor, pagbuwag ng political dynasty, paglansag ng pribadong hukbo at mga armadong grupo, pagbawal sa pagdadala ng baril o armas sa labas ng tahanan o tanggapan maliban na lang ang mga nakaunipormeng pulis at sundalo, paglaban sa lahat na klaseng sugal at immoral na gawain ng taong gobyerno at tiwaling opisyal ng bayan.
Ang tanging tanong sa atin mga manghahalal ay kung sila ba ay sadyang handa na sa isang totoong partido ng pagbabago.Puwede na kaya sumabay ang taumbayan sa agos ng pagbabago?
Cong. Dante Ventura Liban
15 Mt. Semeru St., Fil-Invest 1,
Batasan Hills, Quezon City
Philippines 1126
Tel. (632) 9329990
Fax. (632) 9321079